-- Advertisements --

corvette1

Mas lalo pa umanong dumami ang mga barko ng Chinese na nakapaligid sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Batay sa latest maritime at sovereignty patrols na isinagawa noong April 11, 2021 nasa 240 Chinese vessels ang nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea sa karagatang sakop ng bansa.

Mas mataas ito sa orihinal na iniulat na 220 barko ng China na namataan sa Julian Felipe reef noong nakaraang buwan ng Marso.

Iniulat ng AFP Western Command na 136 na barko ng Chinese Maritime Militia ( CMM) ang nasa Burgos (Gaven) Reef, siyam sa Julian Felipe (Whitsun) Reef, 65 sa Chigua (McKennan) Reef, anim sa Panganiban (Mischief) Reef, tatlo sa Zamora (Subi) Reef, apat sa Pag-asa (Thitu) Islands, isa sa Likas (West York) Island, at lima sa Kota (Loaita) Island, at 11 sa Ayungin (Second Thomas) Shoal.

Ito ay base sa huling maritime at sovereignty patrol nitong linggo, Abril 11.

Dahil dito, tinuligsa ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang patuloy na “swarming” ng mga barko ng Chinese Maritime Militia sa EEZ ng Pilipinas na pinalalabas ng China bilang mga pangkaraniwang fishing vessels.

Ayon sa NTF-WPS, kung ang mga barko ay fishing vessels, dahil sa laki ng mga ito na 60 metro, may kakayahan ang 240 na barkong ito na makahuli ng 240,000 kilo ng isda araw araw sa pamamagitan ng illegal fishing sa karagatan ng Pilipinas.

Ayon sa Task Force, dapat seryosohin ng China ang reklamo ng Pilipinas sa kanilang panghihimasok sa Exclusive Economic Zone ng bansa alang-alang sa patuloy na magandang ugnayan ng dalawang bansa.

corvette

Bukod sa 240 Chinese vessels, na-monitor din ang dalawang People’s Liberation Army Navy (PLAN) Houbei class missile warships sa Panganiban Reef, isang Corvette class warship sa Kagitingan (Fiery Cross) Reef, isang Navy Tugboat sa Zamora Reef, 2 Chinese Coast Guard (CCG) vessels sa bisinidad ng Pag-asa Islands, 2 PLAN, 3 CCG, at 10 CMM vessels sa Bajo de Masinloc (Scarborough) Shoal.

Ayon sa NTF-WPS, ang presensya ng mga barkong pandigma ng China sa EEZ ng Pilipinas ay maituturing na militarisasyon ng karagatan na nakakasama sa kapayapaan at istabilidad sa rehiyon.

corvette3

Umalma rin ang NTF-WPS sa unang naobserbahan na paghango ng mga Chinese fishermen ng mga giant clams sa bisinidad ng Pag-asa island na umano’y paglabag sa batas ng Pilipinas at Convention on International Trade of Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES).

Una nang nanawagan ang Department of Defense sa China na respetuhin ang 200-mile Exclusive Economic Zone ng Pilipinas na kinikilala ng sa ilalim ng United Nations Convention on Law of the Seas (UNCLOS).

Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo kay AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana as of April 10, 2021 maritime patrols nasa 28 na mga Chinese vessels na lamang ang aaligid sa EEZ ng bansa.

Aniya, may epekto ang presensiya ng mga US warships sa South China Sea na posibleng dahilan na nabawasan ang mga barko.