TUGUEGARAO CITY – Inihayag ng National Irrigation Administration (NIA) na ang 66 Chinese workers sa Chico River Pump Irrigation Project sa Pinukpuk, Kalinga ay aalis din sa bansa oras na matapos ang proyekto.
Pahayag ito ng NIA kasunod ng inilabas na video ng Cordillera People’s Alliance (CPA) kung saan makikita ang mga Chinese workers na nasa project area.
Ayon sa NIA, ang mga chinese workers ay kinuha umano ng Chinese contractor dahil highly-technical at highly-skilled umano ang mga ito na kakailanganin para sa paggawa ng tunnel at pumping station ng naturang proyekto.
Bagamat naniniwala ang NIA na kayang gawin ng mga Pilipino ang naturang proyekto, mas mapapabilis naman umano ang pagtapos sa proyekto katuwang ang mga nasabing Chinese workers.
Siniguro rin ng NIA na walang maaapektuhan sa paggawa ng naturang proyekto.
Sa katunayan ay alam ng local government units (LGUs) at ibang stakeholders ang paggawa ng nasabing proyekto.
Nabatid na ang proyekto ay mayroong 347 na Filipino workers na karamihan ay mula sa mga kalapit na lugar.
Ang Chico River Pump Irrigation Project ay may kabuuang service area na 8,700 hectares na magbibigay ng mas malawak na water supply sa mga irrigation at 4,350 farmers ang makikinabang.
Matatandaang naging kontrobersiyal ang proyekto matapos na isiwalat ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na gagamitinng collateral ang Reed Bank sa utang sa China para sa pagpapagawa ng Chico River Pump Irrigation Project.