DAVAO CITY – Patuloy pa rin na tumataas ang bilang mga indibidwal na apektado ng cholera outbreak sa Caraga Davao Oriental na nagsimula noon nakaraang linggo.
Sa huling datus, mula ng nagsimula ang Cholera outbreak, umabot na ngayon sa 544 indibidwal ang apektado.
Samantalang nasa anim na ang natalang namatay sa nasabing outbreak sa lalawigan.
Sa kabuuang bilang ng mga nagkasakit, 293 nito ang naka-confine sa evacuation center na ginawang makeshift hospital at iba pang infirmaries sa probinsiya.
Nauna ng sinabi ni Karen Lou Deloso, provincial information officer, na patuloy ang provincial government sa pakikipag-ugnayan sa pagitan ng local government unit sa Caraga at sa iba pang agencies bilang tugon sacholera outbreak.
Nabatid na una na rin na nagpadala nitong nakaraang araw ang Davao Oriental government sa pamamagitan ng kanilang provincial health office (PHO) at provincial disaster risk reduction and management teams ng dagdag na supply ng medisina at manpower sa mga apektado sa outbreak.
Binigyan na rin ang mga residente sa nasabing lugar ng water purifiers na mula sa mga pribadong sector upang matiyak na malinis ang iniinom na tubig ng mga residente.
Kabilang sa ginagawang hakbang ay ang sunod-sunod na shock chlorination sa water source sa Barangay Santiago na epicenter ng outbreak ito ay para masolusyonan ang problema sa lugar.
Plano rin nila ngayon na magtayo ng bagong water system sa barangay upang matiyak ang potable water para sa mga residente.