-- Advertisements --
Pastor Joel Apolinario
KAPA founder Pastor Joel Apolinario (video grab from Facebook live)

GENERAL SANTOS CITY – Inaalam na ngayon ng National Bureau of Investigation-Sarangani District Office (NBI-SARDO) kung kanino nakarehistro ang chopper na sinakyan ni KAPA founder Joel Apolinario noong pumunta ito sa prayer rally.

Matatandaang lumapag sa Acharon Sports Complex ang isang chopper sakay si Apolinario at hinarap nito ang kanyang mga miyembro.

Pagkatapos ang ilang minutong pagsasalita at pagpapaunlak ng interview sa media ay kaagad na umalis si Apolinario sakay sa chopper.

Ayon kay Atty. Regner Pineza ng NBI-SARDO, nag-iimbestiga na sila kung may clearance ba ang chopper sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) GenSan nang lumipad ito noong Huwebes noong nakaraang linggo.

Kahit ang Air Transportation Office ay nagulat din sa paglipad ng chopper noong panahong iyon.

Matatandaang pumunta sa GenSan si Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 13 upang mamigay ng titulo ng ekta-ektaryang lupain sa mga benepisyaryo.

Nang panahong iyon ay no fly zone ang lungsod dahil nasa GenSan ang Pangulo.