BAGUIO CITY – Nagsasagawa na rin ang Commission on Human Rights (CHR) Cordillera ng kanilang sariling imbestigasyon sa pagkamatay ni Cadet 4CL Darwin Dormitorio.
Ayon kay CHR-Cordillera regional director Atty. Romel Daguimol, kasabay nito ang kanilang pagkondena sa nangyari sa kadete.
Aniya, nakakalungkot na kahit na naisabatas ang mas mahigpit na Anti-Hazing Law ay mayroon pa ring mga gumagawa ng mga “barbaric, inhumane at illegal practices” ng initiation o pagdisiplina sa ilang military training institutions.
Hinihiling din nila sa pamahalaan ang paninigurong maibibigay ang hustisya sa pamilya Dormitorio sa pamamagitan ng mabilisan ngunit competent na imbestigasyon at pagpataw ng parusa kahit pa ang mga responsable ay mga may otoridad.
Umapela naman ang ahensya sa pamunuan ng Philippine Military Academy para sa pagpapatupad nito ng totoong reporma sa mga polisiya at mga panuntunan nito para laging maobserbahan ang rule of law, respeto at proteksion ng human rights.
Umaasa rin sila na ang pagkamatay ni Cadet Dormitorio ang huling insidente ng nakakamatay na tradisyon sa loob ng akademya.