-- Advertisements --

Hindi na raw kailangan magpaalam o humingi ng approval mula sa gobyerno ng Commission on Human Rights (CHR) kung magsusumite ito ng report sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng drug war.

Sagot ito ng CHR sa posibilidad na tapikin sila ng ICC para makipagtulungan sa imbestigasyon sa umano’y mga pag-abuso sa pagpapatupad ng war on drugs.

Bukas daw ang komisyon na makiisa sa ICC investigation kung hihingin sila ng tulong ng korte.

Nakasaad naman din daw kasi sa kanilang mandato sa Konstitusyon ang pagiging independent body.

“One of the vital features of CHR is its independence para maging epektibo siya… Kung titingnan natin how it was constitutionally created under the 1987 Constitution, it is not under the legislative, executive or judiciary,” ani CHR spokesperson Jacqueline De Guia sa kanilang In Focus weekly forum sa Quezon City.

Kung maaalala, inamin ng ICC Office of the Prosecutor na target nilang matapos sa susunod na taon ang preliminary examination sa mga alegasyon kontra war on drugs ng Dutere administration.

Ito’y bunsod umano ng mga natanggap nilang ulat na may pangaabuso ang law enforcers sa mga kababaihang sangkot sa drug cases.

Naniniwala si De Guia na maiiwasan sana na umabot ang sitwasyon sa international court kung mismong mga korte dito sa Pilipinas ang umaksyon sa mga kaso.

“Hindi po halos nakarating ang kaso sa prosecutor man lang at ‘yun po ang gap, ‘yun po ang panawagan namin noon pa lang na ‘pag nanlaban hayaan natin sa korte na maglinaw na magsabi na talagang nanlaban ang nangyari po nahinto po sa pulis. It was a unilateral assertion na nalaban kaya po we were not able to demonstrate in some ways that our courts are working.”