Bagama’t binanggit ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagsisikap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mapabuti ang kalagayan ng karapatang pantao sa bansa, hinimok nito ang pamahalaan na lumahok sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa nangyaring mga pagpatay sa panahon ng illegal drugs operations ng nakalipas na administrasyon.
Sa inilabas na pahayag ng komisyon, ang pagsisiyasat ng ICC ay isang angkop na pagkakataon para sa kasalukuyang pamahalaan na gawin ang tamang landas sa pagtataguyod ng mga obligasyon nito sa karapatang pantao, lalo na para sa mga napinsala at nilabag.
Nauna nang sinabi ng ICC na ang “Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC-PTC) ay pinagbigyan ang kahilingan ng Prosecutor na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa sitwasyon ng Republika ng Pilipinas.”
Nakatakdang imbestigahan ang mga pagpatay sa isinagawang operasyon ng ilegal na droga mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.
Napag-alaman na ang pag-alis ng Pilipinas sa ICC ay nagkabisa noong Marso 17, 2019 matapos na maipadala ang abiso nito sa international tribunal noong 2018 base sa tagubilin ni Pangulong Rodrigo R. Duterte noon.