Hinimok ng Commission on Human Rights (CHR) ang Philippine National Police (PNP) na tiyaking protektado ang karapataan at dignidad ng mga indibidwal nang walang “undue pressure” o pamimilit sa pag-implementa ng Oplan Katok sa panahon ng halalan.
Sa isang statement, kinilala din ng komisyon ang intensiyon ng pambansang pulisya na itaguyod ang responsableng pagmamamay-ari ng baril sa pamamagitan ng inisyatibang Oplan Katok na naghihimok sa mga may-ari na mag-renew ng kanilang lisensiya o isuko ang mga hindi lisensiyadong baril bilang isang mahalagang hakbang sa pagpapairal ng kaligtasan ng publiko.
Kinilala din ng CHR ang idinulog na concern partikular na ng Commission on Elections (Comelec) sa pagpapatupad ng Oplan Katok sa gitna ng nalalapit na 2025 midterm elections sa buwan ng Mayo.
Iginiit naman ng komisyon na bagamat nagpapakita ng isang routine operation at door-to-door visits ng mga kapulisan ang Oplan Katok lalo na walang warrant na inisyu mula sa korte, ay maaari aniyang magdulot ito ng takot o intimidation sa mga indibidwal.
Tinukoy ng CHR ang Article 3, Section 2 ng 1987 Constitution na pomoprotekta sa indibidwal laban sa unwarranted searches at seizures na nagpapatibay na dapat isagawa ng law enforcement ang operasyon nito ayon sa legal at procedural safeguards.
Sa parte naman ng CHR, bilang isang national human rights institution, nananatili itong committed sa mandato nito na protektahan ang mga karapatang pantao kasabay ng pagtiyak na ang mga hakbang ng law enforcement ay alinsunod sa legal at regulatory framework.