May mga hakbang ng ginagawa ngayon ang Commission on Human Rights (CHR) upang matigil na ang red-tagging sa bansa.
Sa briefing ng CHR sa House Committee on Appropriations para sa proposed 2025 budget nito na P1.1 billion pesos, sinabi ni Chairman Richard Palpal-Latoc na simula noong Hulyo ay nagsasagawa sila ng national inquiry hinggil sa sitwasyon ng human rights defenders na apektado ng red-tagging.
Bukod sa mahinto ay layon aniya nitong magkaroon ng konkretong depinisyon ang “red-tagging” at makapagrekomenda ang komisyon ng angkop na batas at alituntunin upang labanan ito.
Sa interpelasyon ni House Deputy Minority Leader France Castro ay sumang-ayon ang CHR sa inilabas na “definition” ng Supreme Court ukol sa red-tagging.
Inihayag ni Palpal-Latoc na maaari silang magkaloob ng witness protection program at legal aid para sa mga biktima ng red-tagging.
Dagdag pa nito, patuloy ang kolaborasyon ng CHR sa local at international human rights organizations para sa pagdodokumento at masiguro ang accountability.
Samantala, naniniwala naman si SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta na kailangan ng “dividing line” gaya ng pagganap sa tungkulin nang hindi naglalabas ng “grievances” o sentimiyento laban sa gobyerno.
Pero sagot ni Palpal-Latoc, ang pagpapahayag ng mga salitang kontra sa gobyerno ay bahagi ng “fundamental rights” na ginagarantiya ng Konstitusyon.