Dapat umanong hayaan ang Commission on Human Rights (CHR) at ang judiciary na magampanan ang mandato nito, sa gitna ng imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga paglabag sa karapatang pantao noong war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua na sa ganitong paraan mapananagot ang mga may sala.
Binigyan-diin ni Chua, na isang abugado, ang kahalagahan ng epektibong legal framework, partikular ang Republic Act 9851, upang mapanagot ang mga may sala sa batas.
Ayon kay Chua hindi kailangang manghimasok ng Executive department at Kongreso sa imbestigasyon ng ICC dahil mayroon umanong sapat na mandato ang CHR at judiciary para rito.
Iginiit din ni Chua ang kahalagahan na tumugon ang Pilipinas, bilang isang estado at founding member ng United Nations sa international law at hindi nito dapat pigilan ang imbestigasyon ng ICC.
Hinimok ng mambabatas ang CHR na makipagtulungan sa ICC, UN at international community upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng hindi makataong war on drugs.
Sinabi ni Chua na ang CHR at ang hudikatura ay maaaring tumulong sa mga biktima upang makamit ang hustisya.
Nagpahayag din ng pagkabahala si Chua kung nakompleto ang imbestigasyon ng mga kaso upang matiyak na mapapanagot ang nasa likod ng krimen.
Ayon kay Chua, dapat repasuhin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang mga hakbang kaugnay ng imbestigasyon ng ICC.
Matatandaan na ilang beses na sinabi ni Pangulong Marcos na hindi makikipagtulungan ang kanyang administrasyon sa ICC kaugnay ng imbestigasyon nito sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.