Nagpahayag ng matinding pagkondena ang Commission on Human Rights (CHR) kaugnay ng sunod-sunod na kaso ng panggagahasa sa mga menor de edad sa bansa.
Ito raw ay malubhang paglabag sa karapatang pantao at nangangailangan ng agarang aksiyon para masiguro ang proteksiyon ng mga kabataan at makamit ang hustisya para sa mga biktima.
Kabilang sa tinutukoy ng komisyon ang nangyaring panggagahasa sa Metro Manila ng isang motorcycle rider sa 15-taong gulang na estudyante kung saan niyaya pa ng suspek ang biktima na kumain sa restaurant bago pagsamantalahan.
Sa Argao, Cebu naman ay isang ama ang inaresto matapos nitong gahasain ang 14-taong gulang na anak. Mismong ang kapatid ng suspek ang nagsumbong sa lola nito na agad naman nireport sa awtoridad.
Ikinababahala rin ng komisyon na may mga kasong ang sangkot sa pananamantala ay mismong kamag-anak pa ng suspek.
Hindi lamang daw ito pang-aabuso sa pisikal na katayuan ng biktima, bagkus ay mas higit pa ang emosyonal at sikolohikal na trauma na mararanasan ng biktima lalo pa’t mismong ang mahal pa nila sa bahay ang bumali ng kanilang karapatan at tiwala.
Handa raw ang Commission on Human Rights na magbigay ng tulong at suporta sa mga biktima kasabay ng paghimok nila sa mga biktima at pamilya nito na ipaalam ang pang-aabuso upang makamit ang hustisya.