-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Commission on Human Rights ang nangyaring terror bombing sa Mindanao State University sa Marawi City.

Sa isang statement, iginiit ng komisyon na ang ginawang pag-atake na ito ng mga salarin ay malinaw na pagbabalewala sa pagpapanatili ng human dignity at respeto sa karapatang pantao.

Maliwanag din anila na taliwas ang insidenteng ito sa prinsipyo ng international humanitarian law.

Paliwanag ng CHR, hindi lamang anila nagreresulta sa sakit at pagdurusa ang ganitong uri ng mga insidente sapagkat mayroon din anila itong pangmatagalang epekto sa mga komunidad, mga biktima, at nagdulot din ng takot sa mga estudyante, faculty members, at pamilyang naapektuhan ng nangyaring insidente.

Dahil dito ay inilunsad ngayon ang regional office ng CHR ng quick response operation sa lugar para sa pagbibigay ng assistance sa mga pamilya ng mga biktima.

Kasabay nito ay muli ring binigyang diin ng komisyon ang kanilang mandato na bantayan at imbestigahan ang anumang uri ng mga alegasyong may kaugnayan sa paglabag sa karapatang pantao.