Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na may full access ang Commission on Human Rights (CHR) sa kanilang spot report.
Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, hindi nila ipinagbabawal na makita ng CHR ang mga spot report ng mga naitalang krimen o kaso ng pagpatay.
Pero nilinaw ni Carlos na hindi nila puwedeng ibigay ang hinihiling ng CHR na mga case folder kaugnay sa mga naitalang kaso ng patayan.
Paliwanag nito na kapag may kailangang mga dokumento o impormasyon ang CHR sa mga case folder, ay kailangan muna nilang sumulat at mag-request sa PNP.
Pero subject for approval pa ito ng PNP kung maibibigay sa kanila ang kanilang request.
“‘Yung request for the document itself the access can be given up to spot reports beacuse if there is an ongoing investigation on these cases it may prejudice or maibigay yung detalye na hindi pa thorough ang investigation,” pahayag ni Carlos.
Binigyang-diin pa ni Carlos na yaong “confidential in nature” na mga impormasyon ay talagang hindi nila maibibigay.
Idinepensa naman ni Carlos na ang hindi pagbigay ng PNP sa mga case folder sa CHR ay hindi nangangahulugan na may itinatago sila.
Aniya, very transparent ang PNP kaya sana’y huwag husgahan ang PNP.
“We are very open nandiyan po yung dokumento pwede tingnan provided wala kami ma violate na regulation, wala kaming mare release na information na maaari mag preempt, jeopardize or compromised ng ongoing operation,” pahayag ni Carlos.