VIGAN CITY – Muling nanawagan ng hustisya ang Commission on Human Rights (CHR) para sa mga biktima ng Maguindanao massacre kasabay ng ika-10 taon na anibersaryo ng nasabing pangyayari ngayong araw.
Sa mensaheng ipinadala ni CHR spokeswoman Atty. Jacqueline de Guia sa Bombo Radyo Vigan, sinabi nito na nalulungkot ang komisyon dahil 10 taon na ang nakalilipas ngunit wala pa ring napaparusahan sa pagkamatay ng 58 na indibidwal na kasama sa nasabing pangyayari.
Sa nasabing bilang, 32 ang mamamahayag na namatay kasama na ang dating chief of reporter ng Bombo Radyo Koronadal na si Bombo Bart Maravilla.
Kasabay ng nasabing panawagan ay hangad ng komisyon na mas palakasin pa ng pamahalaan ang mekanismo at polisiya na nagbibigay proteksyon sa mga mamamahayag.
Maaalalang sa susunod na buwan pa inaasahang maglalabas ng desisyon ang Korte Suprema sa nasabing kaso kung saan naniniwala ang pamilya ng mga biktima na papanig sa kanila ang desisyon ng hukuman.