Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang Commission on Human Rights (CHR) sa mga insidente ng karahasang politikal sa kabila ng umiiral na gun ban para sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Kasunod ito ng pananambang at pagpatay kay Barangay Captain Binhar Julambre Alon Jawad, 25-anyos, ng Brgy. Baraas, Lanao del Sur noong Abril 9 habang papunta sa isang graduation ceremony.
Bukod kay Jawad, pinaputukan rin ng mga salarin si Kerwin Espinosa, tumatakbong alkalde ng Albuera, Leyte, noong Abril 10 habang nangangampanya. Nakaligtas naman si Espinosa sa insidente.
PAhayag ng CHR, sa kabila ng gun ban, nakababahala na nagpapatuloy ang mga pamamaslang sa mga opisyal at kandidato. Isa itong malinaw na paalala na kailangang paigtingin ang mga hakbang para sa kapayapaan, karapatang pantao, at ligtas na partisipasyon sa pulitika, lalo na sa Bangsamoro.
Iniimbestigahan na ng CHR Region 10 ang kaso ni Jawad. Pinuri rin ng CHR ang mabilis na aksyon ng mga awtoridad, ngunit iginiit na dapat ay masusing at patas na imbestigasyon ang isagawa.
Samantala, wala pang isang araw matapos ang insidente kay Espinosa, binaril din si Muhammad Utti Omar, tumatakbong board member sa Maguindanao del Sur, at ang kanyang driver sa Datu Anggal Midtimbang. Bahagyang nasugatan ang dalawa.
Dagdag ng komisyon, ang pananagot ng mga salarin ay mahalaga hindi lamang para sa hustisya kundi para maibalik ang tiwala ng publiko sa kaligtasan at integridad ng halalan.
Hinimok ng CHR ang lahat ng sektor na magtulungan para sa mapayapa at makataong halalan kung saan malayang makakalahok ang bawat Pilipino nang walang takot o banta. (Report by: Bombo Jai)