Mariing kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagtaas ng karahasan laban sa mga election aspirant at local officials sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaugnay nito, nag-deploy na ang komisyon ng Quick response Operation team para imbestigahan ang mga insidente ng pagpatay at para matukoy kung ang mga ito ay politically motivated.
Sa isang pahayag ngayong Martes, sinabi ng komisyon na sa kabila ng kamakailang pagtatapos ng paghahain ng certificate of candidacy, nakapagtala na ng mga insidente ng karahasan at pag-atake.
Isa na dito ang kaso nina Agutaya, Palawan municipal election officer Emmanuel Gacott at kaniyang maybahay na kapwa natagpuang patay sa kanilang bahay sa Barangy Cambian noong Setyembre 25. Tinitignan ngayon ng mga awtoridad ang robbery bilang posibleng motibo sa krimen subalit hindi isinasantabi ang posibilidad na maaaring naging isa sa motibo ay ang posisyon ni Gacott bilang isang election officer.
Tinukoy din ng komisyon ang pagkasawi ni San Nicolas, Ilocos Norte chairperson Francisco Bagay noong Setyembre din. Binaril ang biktima habang nasa kaniyang garahe ng hindi pa natutukoy na armadong kalalakihan.
Sa Ilocos Sur naman, binaril-patay sina Barangay Lapting kagawad Bello Joseph Padua Valorozo at kaniyang anak na lalaki ng riding in tandem sa bayan ng San Juan.
Gayundin ang bayolenteng insidente na nangyari sa pagitan ng mga residente at grupo ng isang tumatakbo sa pagka-Bise Alkalde sa Maguindanaao del Sur.
Nangyari ang insidente sa kasagsagan ng COC filing sa Shariff Aguak noong Oktubre 8 na ikinasawi ng isang Barangay Peacekeeping Action Team member at 6 pang indibidwal ang nasugatan.