CAUAYAN CITY – Nagsasagawa ang Commission on Human Rights (CHR)-Region 2 ng masusing pagsisiyasat upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Constancia Dayag sa bansang Kuwait.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Carlito Agustin, special investigator 3 ng CHR-2 na nagtungo sila sa Dalenat, Angadanan, Isabela upang saksihan mismo ang libing ni Dayag nitong Huwebes kasabay ng isinagawang initial fact finding investigation sa pamilya ng OFW para alamin ang dapat pa nilang malaman at nagbigay na rin financial assistance.
Kukuha rin aniya sila ng mga impormasyon sa babaeng anak ng OFW na maaring makatulong sa kanilang pagsisiyasat.
Sinabi pa ni Agustin na aalamin din nila ang paniniwala ng pamilya ng biktima na pagmamaltrato ang sanhi ng ikinamatay ng kanilang kaanak.