Nagsalita na ang Commission on Human Rights (CHR) kaugnay sa mga naging insidente sa ikinasang operasyon ng Philippine National Police (PNP) PRO 11 na paghahain ng warrant of arrest kay Pastor Apollo Quiboloy nitong umaga ng Sabado, Agosto 24 sa Davao City.
Sa isang pahayag, sinabi ng CHR na iwasan umano ng mga tagasuporta ni Quiboloy na mang-harass ng mga sibilyan na ginagampanan lamang ang kanilang mga tungkulin. Ito ay kaugnay sa isang insidente na isang special investigator mula sa opisina ng CHR Region 11 ang binantaan umano ng mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Samantala, pinaalalahanan naman ng komisyon ang PNP PRO 11 na hanggat maaari iwasan ang paggamit ng unnecessary force at violence sa kanilang ginagawang operasyon.
Dagdag pa ng ahensiya, marapat lamang sumunod ang dalawang partido sa due process ng batas at respetuhin ang mga naaayon sa konstitusyon ng bansa.