Nananawagan ang Commission on Human Rights (CHR) para sa pagpapabuti sa healthcare sa mga piitan sa bansa kasunod ng naitalang kaso ng tuberculosis sa mga preso.
Sa isang statement, inihayag ng CHR na nagpapakita ang mataas na bilang ng hinihinalang mga kaso ng tuberculosis sa mga preso sa Pasay City Jail ang urgency para matugunan ng agaran at epektibo ang outbreak.
Ang masikip din aniya na mga kulungan, poor hygiene at hindi sapat na sanitation ang dahilaan para maging hotspot ng hawaan ng sakit ang mga piitan.
Sa report ng komisyon, nasa mahigit 400 PDLs sa Pasay city jail ang nakitaan ng mga sintomas ng tuberculosis. Naka-isolate na ang mga ito para sa confirmatory testing.
Iginiit din ng komisyon na base sa Rule 1 ng Nelson Mandela Rules dapat na lahat ng mga bilanggo ay tratuhin nang may respeto dahil sa kanilang taglay na halaga at dignidad bilang tao.
Gayundin ang pangangailangan na tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga preso, staff, service providers at mga dalaw.
Para mapigilan ang parehong problema sa kalusugan sa mga piitan, umaasa ang komisyon na magpapatupad ng routine at comprehensive medical screenings ang Bureau of Correction sa mga preso para maagang madetect at maagapan kung mayroong TB at ibang infectious diseases ang mga ito.
Dapat din umano na tiyaking mayroong access ang mga preso sa accurate at rapid diagnostic tools para agad na matukoy ang nakakahawang sakit.