VIGAN CITY – Aabot na sa halos 500 reklamo ang natanggap ng Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa mga humihingi ng tulong at ang di umano’y paglabag sa karapatan ng mga mamamayan dahil sa hindi patas na pagpapatupad ng mga quarantine measures upang masugpo ang COVID19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Atty Jacqueline Ann de Guia, tagapagsalita ng CHR, sa nasabing reklamo ay 129 ang kaso hinggil sa hindi makatarungang pagpaparusa sa mga lumalabag sa batas at kabilang na rin dito ang 123 na kaso hinggil sa pamamahagi ng gobyerno ng tulong sa ilalim ng Social Amelioration Program.
Gayunman, muling nanawagan ang tagapagsalita na dapat ay alinsunod sa batas ang pagpapatupad ng mga quarantine measures at dapat aniya ay maging patas at walang diskriminasyong magaganap.
Dahil diyan, nakikipag-ugnayan umano ang CHR sa Department of the Interior and Local Government at sa Inter-Agency Task Force at sa New Bilibid Prison para maisagawa ang imbestigasyon.