Pinag-aaralan na ng Commission on Human Rights ang potensyal na paglabag sa religious freedom ng Kingdom of Jesus Christ kasabay ng nagpapatuloy na police operation ng Philippine National Police sa compound ng naturang simbahan.
Batay sa inilabas ng CHR na pahayag, nakasaad dito na minomonitor ng ahensiya ang sitwasyon sa KOJC habang nagpapatuloy pa rin ang komprontasyon sa pagitan ng dalawang panig at tuluyan ding pag-okupa ng PNP sa iba’t-ibang bahagi ng compound.
Tinitingnan umano ng komisyon kung nalabag ba ang karapatan ng mga miyembro ng KOJC na makapag samba matapos ipagbawal ng PNP ang paggamit sa kanilang cathedral at tuluyan ding kinordon ang naturang lugar.
Kahit sa gitna ng conflict o tunggalian, ayon sa CHR, kinikilala pa rin ng International Humanitarian Law (IHL) ang pangangailangang maprotektahan ang mga lugar ng pagsamba.
Kailangan umanong maprotektahan din ang mga ito mula sa mga hindi naman kailangang panghihimasok at paninira.
Ipinagdiinan din ng CHR ang “freedom of movement” ng mga residente at mga miyembro. Kung sakaling limitahan ang mga ito sa pagpasok sa simbahan, iginiit ng CHR na para lamang dapat ito sa pagprotekta sa public order at national security.