Pinuri ng Commission on Human Rights ang Quezon City Health Department dahil sa programa nito para sa libreng breast cancer screening program na nabenepisyuhan ang 22,476 na kababaihan sa anim na distrito ng lungsod.
Ayon sa natanggap na ulat ng komisyon, 146 na mga babae ang nagpositibo sa breast mass; habang walo naman ang sumailalim sa surgery sa East Avenue Medical Center; at 133 naman ang nagtungo sa Quezon City General Hospital para sa mammogram.
Sa isang pahayag, sinabi rin ng komisyon na base sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority ay cancer ang ikalawang leading cause of death sa bansa sa mga nagdaang taon partikular na ang lung, liver, breast, colorectal, at prostate cancers.
Kaya naman pinuri ng komisyon ang isinagawang free breast cancer screening ng Quezon City local government dahil isa umano itong hakbang para mabigyan ng solusyon ang problema sa sakit.
Naniniwala rin ang Commission on Human Rights na ang early detection ay magdudulot ng positibong resulta sa mga kaso ng breast cancer sa bansa.
Dahil dito, umaasa ang komisyon na gagawa pa ang gobyerno, private sector, at civil society organizations ng mga hakbang para magkaroon ng libreng medical screening nang sa gayon ay ma-detect kaagad ang sakit sa early stage pa lang nito kung saan mas epektibo at mas mataas umano ang survival rate.