Pinuri ng Commission on Human Rights (CHR) ang Philippine National Police dahil sa pagpapatalsik nito kay Police Maj. Allan V. De Castro, ang umano’y suspect sa pagkawala noong Oktubre ng beauty contestant ng Batangas City na si Catherine Camilon.
Ang pagkakatanggal ni De Castro sa serbisyo sa kasong administratibo matapos ang pagsisiyasat ng Internal Affairs Service ng PNP ay naging epektibo noong Enero 16.
Sa imbestigasyon, inamin umano ni De Castro na may relasyon sila ni Camilon ngunit piniling manahimik nang madiin kung may alam siya sa pagkawala ni Camilon.
Sinabi ng PNP na ang pagkakatanggal kay De Castro ay may kinalaman sa bawal na relasyon nila ni Camilon.
Iniimbestigahan pa nito ang pagkawala ni Camilon.
Sa isang pahayag, sinabi ng CHR na ang pagkakatanggal ni De Castro sa serbisyo ay nagsisilbing paalala ng proactive na pangako ng gobyerno sa paghahangad ng hustisya at pananagutan, partikular sa kasong ito.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, pinaalalahanan ng CHR ang PNP na panindigan ang mandato nitong “To Serve and Protect.”
Kailangang rin panatilihin ng mga miyembro ng PNP ang pinakamataas na ethical standards at respeto sa karapatang pantao habang ginagampanan nila ang kanilang misyon na pagsilbihan ang komunidad.