Nirerespeto ng PNP ang nagpapatuloy na imbestigasyon na pinangungunahan ng Commission on Human Rights (CHR) sa Negros Oriental kasunod ng serye ng patayan sa lalawigan.
Gayunman, nagpahayag ng pag-aalangan ang PNP dahil posibleng magdulot ito ng kalituhan sa kaso dahil may ongoing investigation din na isinasagawa ang kanilang hanay.
Ayon kay PNP Spokesperson P/BGen. Bernard Banac, ang mga serye ng patayan sa probinsya ay malinaw daw na police matters kaya sila ang may mandato para tumugon at gumawa ng aksyon.
Binigyang-diin ng PNP na kinikilala nila ang mandato ng CHR, subalit maaari raw kasing magkaroon ng sapawan na makakaapekto sa imbestigasyon ng PNP.
Nakahanda naman ang PNP na bigyan ng security assistance ang mga tauhan ng CHR na nasa Negros Oriental ngayon.
Sa kabilang dako, suportado ng PNP sakaling gagamitin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang “emergency powers” para mapanatili ang peace and order sa lalawigan.
Sinabi ni PNP chief PGen. Oscar Albayalde na sa ilalim ng Executive Department, prerogative ng Pangulo kung gagamitin nito ang kanyang kapangyarihan para mapanatili ang kaayusan.
Sa ngayon mahigpit nitong tinututukan ang peace and order sa nasabing probinsya at kontrolado daw nila ang sitwasyon doon.