Inaalam na rin ng Commission on Human Rights (CHR) ang isyu ng pagkamatay ni Cadet Vince Andrew Delos Reyes, 19, kadete mula sa Maritime academy sa Calamba, Laguna.
Sa inisyal na ulat umano ay matinding ehersisyo bilang parusa mula sa kanyang mas nakatatandang kasamahan ang sanhi ng naging pagpanaw nito.
Ayon kay CHR Chairperson Richard Palpal-latoc, kinokondena nila ang pangyayaring ito, kalakip ng pakikiramay sa naulila ng napakabatang maritime student.
Sinasabing si Cadet Delos Reyes ay aksidenteng nagpadala ng “thumbs up” sa isang group chat ng cadet corps, na umano’y hindi nagustuhan ng kanyang mas nakatatandang kasamahan.
Matapos ang hapunan, iniutos umano ng senior cadets na mag-ehersisyo ito nang husto bilang parusa.
Nawalan ng malay si Delos Reyes dahil sa paghihirap sa paghinga at agad siyang dinala sa infirmary.
Bagamat sinubukan siyang isalba, wala nang naging response ang katawan nito kaya dinala sa ospital, kung saan siya’y idineklarang dead on arrival.
Ang CHR ay nananawagan ng agarang at malalimang imbestigasyon sa insidenteng ito at hinihimok ang mga awtoridad na tiyakin ang katarungan para sa pamilya ng biktima.
Bilang tugon, ang Komisyon ay nagkaroon ng motu proprio investigation, sa pamamagitan ng kanilang regional office sa Rehiyon IV.