VIGAN CITY – Hindi pa rin umano nagbabago ang isip at katayuan ng Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa plano ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ilabas ang listahan ng mga politiko na pinaniniwalaang may koneksyon sa illegal drug trade sa bansa ngayong linggo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay CHR spokeswoman Jacqueline de Guia, sinabi nito na kinakailangang sa pagpapalabas ng nasabing listahan ay kasabay nito ang kasong maisasampa laban sa mga narco-politicians.
Ito ay nararapat umano upang ang korte na ang magdesisyon hinggil sa kapalaran ng mga ito at upang mabigyan ang mga naisama sa listahan na linisin ang kanilang pangalan kung wala silang kinalaman sa paglaganap ng iligal na droga sa bansa.
Ayon kay Atty. De Guia, kung magkabulilyaso umano ay haharap sa malaking problema ang DILG na siyang magpapalabas ng nasabing listahan at sila pa ang maaaring kasuhan ng mg pulitiko na naisama sa listahan na mapapatunayang inosente sa naturang akusasyon.
Dahil dito, marapat lamang daw na dumaan sa tamang proseso ang pagsasapubliko nito.
Inaasahan naman ng CHR na makikinig sa kanilang babala ang DILG nang sa gayon ay hindi sila mapahamak.
Samantala, dumipensa naman ang DILG sa kanilang gagawin na pagsapubliko ng mga politiko na nasa narcolist ilang araw bago ang simula ng local campaign period.
Una nang itinakda ng Comelec ang pagsisimula ng kampanya ng mga kandidato sa lokal na posisyon Marso 29.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay DILG spokesman at Undersecretary Jonathan Malaya, kinumpirma nito na all-set na sila sa paghahayag sa mga pangalan ng ilang mga politiko na iniuugnay sa iligal na droga.
Tiniyak din nito na nakahanda na rin ang kanilang legal department sa paghahain ng kaso matapos ang koordinasyon nila sa PDEA, Comelec at iba pang mga ahensiya na tumulong para makakalap ng mga ebidensiya.
Sinabi pa nito, nakahanda na raw ang kanilang mga listahan at nagpapatuloy ang pagberipika sa mga ito.
“Well nakinig po kami sa Comelec, sinabi na rin ito ni Presidential Spokesperson Sal Panelo na magkakaroon din nang pagpa-file ng mga kaso,†ani Usec. Malaya. “Meron po kaming legal team, abangan nyo baka po may kasabay nang filing of the case.â€