-- Advertisements --

Hinimok ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga Pilipino na mas maging mapanuri lalo pa’t halalan na sa susunod na taon.

Pahayag ito ng CHR kasabay ng paggunita ng buong bansa sa ika-35 anibersaryo ng People Power Revolution na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline de Guia, kinakailangang mas maging mapagmatyag ng publiko sa tunay na intensyon ng umano’y lider na nais muling mailuklok sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.

“Huwag tayong makalimot sa mga paglabag sa karapatang pantaong pinalampas nating singilin. Hindi magkakaroon ng pagbabago kung hindi tayo patuloy na makikilahok sa mga isyung panlipunang ating kinakaharap,” saad ni De Guia.

Nangako rin ang CHR na ipagpapatuloy nila ang laban sa mga pag-abuso sa kapangyarihan at sa mga nagsusulong ng rebisyon sa kasaysayan ng bansa.

“Patuloy kaming magmumulat at magpapaalala sa taumbayan ng mga ganitong pangyayari dahil malakas rin ang pwersang nagsusulong ng mga rebisyon sa ating kasaysayan upang makamit nila ang kanilang mga personal na agenda,” dagdag nito.