Sinuportahan ng Commission on Human Rights ang iminungkahing palawakin ang saklaw para sa paggamit ng Emergency Repatriation Fund para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Ang panukala ay naglalayong palawakin ang mga layunin para sa paggamit ng Emergency Repatriation Fund (ERF) sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 8042, na sinususugan, o kilala bilang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act.
Ito ay inihain ni Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ng OFW Partylist, at target magbigay ng kapangyarihan para sa pagtatatag ng mga pansamantalang tirahan sa mga host country at halfway home sa Pilipinas para sa mga repatriated overseas Filipino workers (OFWs).
Sa harap ng patuloy na mga kaguluhan, kalamidad at iba pang krisis, kinikilala ng komisyon na ang mga hakbangin na ito.
Mahalaga umano iyon sa pagtiyak na ang ating mga kababayan ay mabibigyan ng ligtas, makatao, at marangal na kalagayan sa pamumuhay sa panahon ng kanilang pinakamahihirap na sitwasyon.
Ang Article XIII, Section 3 ng 1987 Constitution ay nag-uutos sa estado na magbigay ng ganap na proteksyon sa paggawa, kapwa lokal at sa ibang bansa, at itaguyod ang kanilang kapakanan at kagalingan.
Higit pa rito, ginagarantiyahan ng Article 25 ng Universal Declaration of Human Rights ang karapatan sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa kalusugan at kagalingan.
Dahil sa mga digmaan at sakuna na nagreresulta sa hindi magandang sitwasyon, mahalaga umanong manatiling mapagbantay ang gobyerno sa pangangalaga sa mga karapatan at kapakanan ng mga migranteng manggagawang Pilipino.