Kasabay ng pagdiriwang ng International Day Against Homophobia, Transphobia, and Biphobia, nangako ang Commission on Human Rights na gagawin nila ang kanilang mandato para siguruhing protektado ang LGBTQIA+ community laban sa diskriminasyon nang sa gayon ay maisakatuparan umano nila ang kanilang mga karapatan bilang mga Pilipino.
Patuloy aniyang iaadbokasiya ng komisyon ang pagpapabilis ng pagkilala sa mga karapatan at pangangailangan ng LGBT partikular na sa pagkakapantay-pantay.
Ayon kay Commissioner Faydah Maniri Dumarpa, patuloy nilang ipaglalaban ang pantay na lipunan kung saan walang lugar ang stigma at diskriminasyon gayong alam umano ng kanilang tanggapan ang maraming uri ng gender violence at harassment na nararanasan ng iba’t ibang indibidwal at mga grupo.
Kaya mahalaga umano na magkaroon ng lipunan na niyayakap na ang lahat ng tao ay ipinanganak na malaya at pantay-pantay sa karapatan kaya wala raw dapat maiiwan anuman ang gender identity at expression nito.