TUGUEGARAO CITY- Tutol ang Commission on Human Rights o CHR na suspendihin ang recruitment ng mga bagong kadete kasunod ng insidente ng hazing sa Philippine Military Academy o PMA na ikinamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Sinabi ni Atty. Jaqcueline Ann De Guia, spokesperson ng CHR na ang hazing ang dapat na matigil sa loob ng PMA upang hindi maisakripisyo ang recruitment sa mga kadete.
Iginiit ni De Guia na kailangan ng bansa ang matatag na Armed Forces of the Philippines para sa seguridad ng bansa kung kayat hindi dapat mahinto ang recruitment.
Muling iginiit ng CHR na dapat may managot ang mga sangkot sa hazing na ikinamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio at hindi lamang dapat puro pangako ang gagawin ng PMA.
Kasabay nito, nanawagan ang CHR sa PMA na makipagtulubngan sa imbestigasyon sa nangyari kay Dormitorio.
Reaksiobn ito ni De Guia sa apela si Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin na itigil muna ang recruitment sa military school.
Sinabi ni Garbin, vice-chairman din ng House Committee on Justice na maliwanag na may problema sa loob ng PMA at habang hindi ito naitatama ay dapat ipatigil muna ang pagrecruit ng mga bagong kadete.