Malugod na tinanggap ng Commission on Human Rights ang naging commitment ni Indonesian President Joko Widodo para muling pag-aralan ang drug trafficking charges na inihain laban sa Pinay worker na si Mary Jane Veloso.
Kaakibat nito, umaasa ang komisyon na mapapalaya na si Veloso.
Pinuri din ng komisyon ang pagsisikap na administrasyong Marcos sa pagpapahintulot sa pamilya ng Pinay na si Mary Jane Veloso na nasa death row para iapela ang kaso nito sa gobyerno ng Indonesia.
Umaasa din ang komisyon na magreresulta na ito sa pagpapalaya kay Veloso at tuluyan ng makabalik sa piling ng kaniyang pamilya.
Una rito, ipinaabot ng pamilya ni Veloso sa pamamagitan ng kanilang legal counsel ang mga sulat para sa Pangulo ng Indonesia at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Palasyo Malacanang para iapela ang paggawad ng clemency kasabay ng official visit ng Indonesian Pres. dito sa Pilipinas.
Matatandaan na sinentensiyahan si Veloso ng kamatayan noong 2010 matapos maaresto sa Yogyakarta airport sa Indonesia nang madiskubre ang 2.6 kilo ng heroin sa kaniyang bagahe subalit itinanggi ito ni Veloso na may nalalaman siya kaugnay sa nakumpiskang kontrabando.
Noong Abril taong 2015, ipinagpaliban ni Indonesian Pres. Widodo ang execution kay Velsoso sa huling minuto matapos ang naging pag-aaral ng gobyerno ng Pilipinas sa kaso ni Veloso.
Sa ngayon, nananatiling nakabinbin ang kaso ni Veloso at inaantay ang posibleng paggawad ng clemency ng gobyerno ng Indonesia.
Sakaling man na ito ay maging matagumpay, sinabi ng CHR na magbibigay din ito ng pag-asa para sa iba pang migrant workers na humaharap sa parehong kalagayan.