Dismayado ang Commission on Human Rights (CHR) sa tinatawag na “arestoaguinaldo” Christmas prank na ginawa ng Philippine National Police (PNP) sa Cebu City noong Disyembre 15 at ng Land Transportation Office (LTO) noong Dec. 13.
Sa isang pahayag, sinabi ni CHR spokesperson Atty. Jacqueline de Guia, ang pagsisilbi ng arrest warrant ay isang law enforcement process at hindi dapat ginagawang katatawanan lamang.
“Such process should not be trifled with nor diminished into a prank for it impacts fundamental rights and law enforcement is no laughing matter,” ani de Guia.
Paliwanag ni De Guia, posible rin daw nitong palalain ang pag-aalala ng mga indibidwal na may pagdududa sa mga tagapagpatupad ng batas.
Maliban dito, maaaring mas lalo pa raw mai-stress dito ang sinumang dumaranas ng anxiety dahil sa nagpapatuloy na pandemya.
Nanawagan din ang ahensya sa liderato ng PNP na gumawa ng kaukulang hakbang at magpatupad ng mas sensitibong approach ngayong holiday season.
Ang Arestoaguinaldo ay isang fake arrest kung saan dadakpin ang mga umano’y suspek at dadalhin sa loob ng sasakyan ngunit sa dulo ay sosorpresahin ng mga regalo.