Nilinaw ng Commission on Human Rights (CHR) na wala itong conflict sa Special Human Rights Committee na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakalipas na linggo sa bisa ng Administrative Order No. 22.
Paliwanag ni CHR Chair Richard Palpal-latoc na nananatili silang independent body na nakasubaybay sa pagtalima ng pamahalaan at promoprotekta at nagsusulong ng mga karapatang pantao sa bansa.
Ang kanilang datos din aniya ay hindi nagmumula sa executive department gayundin sa gobyerno. Nakadepende aniya sila sa kanilang sariling monitoring o case records at sa kanilang mga obserbasyon.
Sinabi din ng CHR chair na sa isang probisyon sa ilalim ng AO 22 nakasaad na ang CHR ay isa sa mga ahenisya na maaaring imbitahan ng bagong komite bilang miyembro o observer ng naturang lupon na parte aniya ng mandato ng CHR.
Ginawa ng CHR chair ang pahayag sa gitna ng pagkwestyon ng mga kritiko sa bagong direktiba sa hindi pagkakasama ng CHR mula sa komite.
Sa AO 22 kasi, papangunahan ang naturang komite ng executive secretary, kung saan ang secretary ng Department of Justice ang co-chair at ang secretaries ng Department of the Interior and Local Government at Department of Foreign Affairs bilang members.