-- Advertisements --

Bumuslo ng 21 points si Chris Paul para akayin ang Oklahoma City Thunder tungo sa 105-86 panalo kontra sa malamyang Los Angeles Lakers.

Sinamantala ng Thunder ang malamig na shooting ng Lakers, para kanilang matabla ang Houston Rockets sa ikalimang seed sa Western Conference standing sa nalalabing limang laro.

Maliban kay Paul, namayani din sa Oklahoma sina Danilo Gallinari na may 19 points, at Steven Adams na may 18 upang hindi nila kailanman lingunin ang Los Angeles sa kailang unang panalo sa serye.

Sa kampo ng Lakers, nagsilbing top scorer ng koponan si LeBron James na nasayang ang double-double na 19 points at 11 rebounds.

Ang Los Angeles, na nasungkit na ang top seed sa West at ang titulo sa Pacific Division, ay hindi nakatikim ng abanse sa laro sa unang pagkakataon ngayong season.

Base sa statistics, nagtala lamang ang Lakers ng 5 for 37 sa 3-pointers, at lumikha lamang ng 35% shooting.

Maging si Anthony Davis ay umiskor lamang ng siyam na puntos sa loob ng pagbabad ng 29 minuto.