GENERAL SANTOS CITY – Inihatid na sa kanyang huling hantungan si Christine Angelica Dacera sa Forest Lake Cemetery sa lungsod ng General Santos nitong Linggo ng umaga.
Kung maaalala, si Dacera ang flight attendant na nakitang patay sa isang hotel sa Makati City.
Naging emosyonal ang pamilyang Dacera, mga mahal sa buhay at mga kaibigan kasabay ng pahayag na mabibigyan ng linaw ang nangyari.
Ayon kay Sharon Dacera, ina ni Christine na kanila nang ipinauubaya sa mga otoridad ang imbestigasyon.
Kasabay nito, kanilang iginiit na dapat mabigyan ng hustisya si Christine na marami pang mga pangarap sa buhay.
Iginiit naman ni Mary Grace Rosario, tiyahin ng biktima na hindi na rin sila magdadagdag ng kahit anong mga pahayag dahil marami na ang nasaktan at hihintayin na lamang nila ang resulta ng imbestigasyon.
Dagdag pa nito hindi na rin maibalik ang buhay ng biktima.
Pagkatapos ng libing ay kanilang aasikasuhin ang kaso para mabigyan ng hustisya si Christine.