-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Labis na kalungkutan ang sumalubong sa isang ina matapos pinugutan ng ulo ng kanyang asawa ang kanilang anak sa Purok 1, Malpoc, Buenavista, Agusan del Norte.

Nangyari ang krimen alas-2:30 sa mismong araw ng Pasko kahapon kung saan wala ang ina ng siyam na taong gulang na biktima.

Kinilala ang suspek sa pangalang William Pableo Bicong, isang karpintero na umano’y may diperensya sa pag-iisip.

Sa panayam ng Bombo Radyo Butuan kay Remelyn Bicong, ina ng biktima, nagmamadali siyang umuwi sa kanila mula sa Cagayan de Oro City matapos magbanta ang asawa na papatayin ang kanilang mga anak.

Pag-amin nito, balisa na ang suspek ilang araw bago gawin ang krimen at mayroon nang hindi magandang kasaysayan sa una nilang pagsasama pero hindi naman ito umaabot sa pisikalan.

Napakabait naman aniya ng kanyang asawa at mahal na mahal nito ang anak na may “special needs” kaya hindi lubos akalain na magagawa ang krimen.

Nagsimula aniyang mag-iba ang kondisyon ng kanyang asawa, 10 taon na ang nakakaraan noong nagtatrabaho pa ito sa Cebu kung saan madalas itong malipasan ng gutom at maraming problemang iniisip.

Narekober sa posisyon ng suspek ang mahaba at matalim na itak na ginamit sa pagpugot ng ulo ng anak nilang babae.

Sa ngayon, nasa ospital ang suspek habang nagpapagaling matapos na tagain din nito ang sarili pagkatapos ng krimen.

Ang bangkay naman ng anak ay inilagak sa isang punerarya sa lugar.