-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ramdam na sa Baguio at Benguet ang pagbaba ng temperatura dulot ng aktibong northeast monsoon.

Ito’y matapos pormal nang inilunsad ang taunang “Christmas in Baguio” kahapon.

Alas-5:00 kaninang madaling araw ay naitala ang 13 degrees Celsius (°C) na mababa sa 15°C hanggang 17°C na karaniwang pinakamababang temperatura ng Baguio sa kasagsagan ng “BER” months.

Naitala rin alas-5:40 kaninang madaling araw ang 10°C na pinakamababang temperatura sa Atok, Benguet; habang 15°C sa La Trinidad, Benguet.

Baguio Christmas tree

Ngayong 2021, naitala noong February 22 ang 9.0°C bilang lowest temperature ng Baguio City.

Samantala sa idinaos na “Christmas in Baguio,” sinimulan ito sa pamamagitan ng programa sa Malcolm Square kung saan nasaksihan ng mga dumalo ang iba’t ibang animation.

Pinailaw ang symbolic community bonfire doon kung saan nagsimula ang “The Parol Story” na tema ng 2021 Christmas in Baguio.

Tampok dito ang mga tradisyon at kultura ng Cordilleras.

Mapapanood din sa kahabaan ng pataas na Session Road ang iba’t ibang parol na may kanya-kanyang simbolismo.

Magtatapos ang Parol Story sa rotunda ng Upper Session Road kung saan matatagpuan ang makulay na Christmas tree ng Baguio.