Positibo ang pananaw ng Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP) ukol sa paglago ng construction industry sa Pilipinas pagsapit ng 2024.
Ito ay batay na rin sa inaasahang expansion ng infrastructure development sa buong bansa, kasabay ng commitment ng pamahalaan na palalawakin pa lalo ang Build, Better, More program nito.
Ayon kay CIAP Executive Director Marco Maat, tiyak na mapapakinabangan ng naturang industriya ang naturang proyekto, kung saan inaasahang magkakaroon ng malaking role ang mga kumpanyang bahagi ng construction industry ng bansa.
Una rito ay naiposte ng naturang industriya ang 14% na paglago sa ikatlong quarter ng 2023.
Ang naturang paglago ay nakatulong upang mai-angat ang ekonomiya ng bansa mula sa naging epekto ng pandemiya.
Ayon kay Maat, ang construction industry ay isa sa mga driving factor ng ekonomiya ng bansa, dahil na rin sa tumataas na bilang ng mga infrastructure projects, kapwa sa pribado at sa pampublikong sektor.
Kabilang sa mga nakikita ng CIAP na lalo pang dumami sa pagsapit ng 2024 ay ang mga proyektong kalsada, tulay, railway, irrigation canal, atbpa.
Ang CIAP ay isa sa mga opisinang nasa ilalim ng Department of Trade and Industry(DTI).