Ibinunyag ni Ciara Sotto na nauwi na sa hiwalayan ang dalawang taon na pagiging magkasintahan nila ng Filipino-American sculptor na nagngangalang Ian Austin.
Pag-amin ito ng singer/actress sa kanyang YouTube “Q and A” session nitong July 2, kasabay ng kanyang 41st birthday.
Ayon kay Ciara, ito ang dahilan kung bakit wala siyang plano na pasukin muli ang married life dahil single na uli siya.
Hindi naman nito direktang tinukoy ang dahilan ng break-up, pero nagpahiwatig na payapa naman ang kanyang puso at isip sa kabila ng pangyayari.
“Sometimes things don’t work out and, yeah, I’m single again. I just feel that when something has to end, just end it, especially when you have peace in your heart. And when things are not working anymore, you just have to let things go and wait for God to surprise you again,” saad ni Sotto.
Nagkakilala ang mag-ex sa Las Vegas, ngunit nakabase sa Pilipinas ang mga magulang ng binata. Mula sa LDR o long-distance relationship, nagdesisyon ang lalaki na sa Pilipinas na rin manirahan.
Nabatid na bago pa man ang birthday event ni Sotto, may ilang mga nakapansin na tila hindi na siya nagpu-post ng pictures at videos kasama si Ian.
Si Ciara na kilala rin bilang expert pole dancer ay anak ng kapwa celebrity na si Helen Gamboa at ni Senate President Tito Sotto III.
Noong nakaraang taon ay opisyal nang naging miyembro ng Philippine Olympic Committee at national team na rin ng bansa ang pinamumunuan niya na Philippine Pole and Aerial Sports Association.
Galing siya sa failed marriage sa negosyanteng si Jojo Oconer noong 2016 at mayroong isang anak.