Iniimbestigahan na ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang posibilidad ng organisadong hacking target ang partikular na GCash accounts.
Ayon kay CICC Executive Director Alexander Ramos, matapos nilang siyasatin ang kaso ng komedyanteng aktres na si Pokwang na nawalan ng libu-libong pera mula sa kaniyang e-wallet account, dito na nagpasya ang ahensiya na i-shift ang kanilang imbestigasyon mula sa system glitch sa posibleng organized hacking.
Hinimok din ng opisyal ang aktres na makipag-tulungan sa ahensiya at ipaliwanag sa publiko ang nangyari.
Ang Inter-Agency Response Center hotline naman ay nakatanggap na ng 21 reklamo kaugnay sa hindi awtorisadong fund transfers nitong weekend.
Bunsod nito, hinihimok ng ahensiya ang mga biktima na naturang organized breach kabilang na ang aktres na si Pokwang na lumantad at ipaliwanag kung ano talaga ang nangyari sa kanilang account.
Pinapayuhan din ang publiko na tumawag sa hotline ng Inter-Agency Response Center na 1326 para sa cybercrimes, organized hacking at iba pang mga kaugnay na reklamo na maaaring tawagan anumang oras maging sa holiday.