-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang anggulo ng posibleng kaugnayan ng bomb threats at hacking attempts laban sa mga ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas.

Ayon kay CICC executive director Alex Ramos nangangalap pa ang ahensiya ng mga impormasyon at pinagkukumpara ang mga kaso sa kamakailang bomb threats na tinarget ang nasa 118 paaralan at ahensiya ng gobyerno sa iba’t ibang panig ng bansa.

Noong lunes, kinumpirma ng central office ng DENR sa QC na nakatanggap sila ng naturang banta.

Gayundin ang ilan pang mga ahensiya ng gobyerno at paaralan sa mga probinsiya ng Bataan, Zambales at Cebu.

Samantala, nang tanungin ang CICC official sa posibleng motibo ng nasa likod nito, sinabi ni Ramos na mayroon silang espekulasyon na tinataon umano ang pagpapakalat ng email kaugnay sa banta na may bomba sa maraming insidente sa mga rehiyon.

Bagamat nagpakilala ang naturang sender ng email na naglalaman ng bomb threat bilang isang Japanese lawyer na si Takahiro Karasawa mula sa Japan, sinabi ni Ramos na kanila pang iniimbstigahan kung ito nga ang tunay na pagkakakilanlan ng naturang salarin.

Una na kasing nadiskubre sa isinagawang backtracking noon ng mga awtoridad sa Japan na isang biktima ng theft identity si Takahiro Karasawa na itinanggi na noon na hindi siya ang nasa likod ng bomb threats.