-- Advertisements --

Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko laban sa ‘false prophets’ na nangangakong baguhin ang resulta ng halalan kapalit ng pera.

Ginawa ng ahensiya ang babala matapos maghain ng cyberlibel case si Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia laban kay Atty. Jeryll Harold Respicio na kumakandidato sa pagka-Bise Alkalde sa bayan ng Reina Mercedes sa probinsiya ng Isabela.

Ito ay matapos na magpost ng isang video si Respicio noong Enero 25, 2025 na kaya niyang manipulahin ang vote-counting machines at backroom programs na maaaring magpabago sa resulta ng halalan.

Subalit ayon kay CICC Executive Director Alexander Ramos na ang mga teorya ni Respicio ay misleading information.

Ipinaliwanag pa ng opisyal na may 3 layers ang security ng automated elections para maprotektahan ang validity ng election results.

Binigyang diin din ni Ramos na sobrang kumplikado ang automated election system para sa May 12 elections kayat hindi ganun kadaling ma-hack ang kanilang sistema.