(Update) BACOLOD CITY – Mariing itinanggi ng pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Bacolod City na nangikil ito sa may-ari ng KTV bar sa lungsod na nagresulta sa kanyang pagkahuli sa entrapment operation kahapon ng hapon.
Ayon kay Police Major Melvin Madrona, hindi ito humingi ng P10, 000 sa may-ari ng KTV Bar.
Nabatid na si Madrona ay hinuli ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG) Visayas Field Unit, Special Action Force at Negros Occidental Police Provincial Office (NOPPO) kasabay ng kanyang pagtanggap ng P5, 000 mula sa complainant sa loob mismo ng sabungan sa Purok Guanzon, Barangay Mansilingan.
Si Madrona ay nabigyan na umano ng complainant ng P5, 000 noong Pebrero 20 ngunit muli itong humingi ng P5, 000 na inihatid sa kanya sa sabungan kung saan kasama na ng complainant ang mga pulis.
Ngunit itininanggi ng CIDG-Bacolod head ang akusasyon, sa halip kanyang iginiit na ginawan lamang siya ng scenario ng complainant upang baliktarin ang kanyang violation sa pag-operate ng KTV bar sa Barangay Mansilingan.
Nagreklamo rin ito dahil mga patrolman pa lang ang ranggo ng mga naghuli sa kanya ngayong major na ang kanyang ranggo.
Sa ngayon, nakakulong si Madrona sa Bacolod Police Station 7 at nakatakdang ilipat sa Campo Crame.
Kanina, kinumpirma ni PNP chief Archie Gamboa na entrapment operation ang isinagawa laban kay Madrona kasunod ng impormasyon na kanilang natanggap ukol sa kanyang ginagawa sa Bacolod.