Bumuo ng special investigation task group (SITG) ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang mapabilis pa ang ginagawang imbestigasyon kaugnay sa pagkawala ng ng mga sabungero sa ilang bahagi ng Pilipinas.
Sinabi ni CIDG director Maj. Gen. Albert Ignatius Ferro na binubuo ang naturang special investigation task group (SITG) ng CIDG’s regional fielf units mula sa Metro Manila, Calabarzon, at Central Luzon, mga rehiyon kung saan naiulat ang pagkawala ng mga sabungero.
Layunin aniya ng SITG na ipagsanib-pwersa ang lahat ng investigating units upang matunton ang kinaroroonan ng mga nawawalang biktima at tukuyin kung ang may pananagutan sa pagkawala ng mga ito.
Inatasan na rin ni Ferro ang mga imbestigador na gamitin ang lahat ng kanilang resources at assets upang malutas ito.
Kasalukuyan nang pinatawag na ng CIDG sina Manila Arena administrator Cesar Sulit, at ang mga security guard na sina Mark Carlo Zabala, Rogelio Borican, Bergelio Bayog, Joey Pirrira at Arnel Arturo para bigyang linaw ang pagkawala ng anim na manlalaro ng sabong noong Enero 13.
Gayunpaman, hiniling ng kanilang abogado na bigyan ang mga ito ng palugit hanggang Pebrero 8 upang magsumite ng mga dokumentong kinakailangan ng CIDG.
Magugunita na noong Enero 14 nagsimulang makatanggap ng mga reklamo at sumbong ang kapulisan mula sa mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero.