-- Advertisements --

Ipinahayag ni Police Major General Nicolas Torre III, pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na handa umano itong tumestigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung siya ay iimbitahan ng mataas na kapulungan ng Kongreso.

Si Torre ay dating director ng Police Regional Office 11 (Davao Region), na unang nagkumpirma nitong Linggo na susunod siya sa utos ng Department of Justice (DOJ) at ng prosecution panel na humahawak ng kaso.

Sa naganap na pulong balitaan sa Quezon City, binigyang-diin ni Torre na ang mga imbestigasyon laban kay VP Sara ay karaniwang isinagawa ng magkasama ng National Bureau of Investigation (NBI) at CIDG sa ilalim ng pangangasiwa ng DOJ.

‘Let me not put the cart before the horse,’ ani Torre, na nagsabing nakasalalay sa pagsusuri ng DOJ at ng prosecution panel kung kailangan nila ang kanyang testimonya.

Ang pagnanais ni Torre na magtestigo ay kasunod din nang kanyang paghahain ng reklamo laban kay dating Pangulo Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo tungkol sa kontrobersyal na ”kill” na mga pahayag nito laban sa mga kasalukuyang senador.

Maaalalang ang impeachment ni VP Sara ay naaprubahan ng kapulungan ng Kongreso noong Pebrero 5, kung saan higit sa 200 na mambabatas ang nagsanib-puwersa upang i-endorso ang reklamo sa Senado.