Tiniyak ni Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Major General Nicolas Torre III ang kaniyang kahandaang harapin at sagutin ang anumang kasong ihahain laban sa kaniya, kasunod ng naunang pag-aresto kay dating Pang. Rodrigo Duterte.
Ayon sa 2-Star general, kahit anong kaso pa ang isampa laban sa kaniya ay kayang-kayang niyang sagutin ang mga ito at depensahan ang kaniyang mga aksyon saan mang korte ng bansa.
Una nang inamin ng heneral na maging si dating Pang. Duterte ay nagbanta ring maghahain ang kaniyang kampo ng mga kaso.
Pero giit ni Torre, pwedeng magsampa ng illegal arrest ang kampo ng dating pangulo kung gugustuhin niya, o anumang maisip na kaso, at haharapin umano niya ito sa korte.
Sa kasalukuyan, pinag-iisipan ng PNP ang paghahain ng kaso laban kina dating Executive Secretary Salvador Medialdea at kasalukuyang partner ng dating pangulo na si Honeylet Avanceña.
Ito ay dahil na rin sa umano’y pamumukpuk ni Avanceña ng cellphone sa ulo ng isang pulis habang nasa kasagsagan ng arrest operation habang si Medialdea ay naging balakid umano para matiwasay na maisagawa ang pag-aresto laban sa dating pangulo ng bansa.