Nauwi sa sagutan ang pagsalang muli ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Nicolas Torre III sa pagdinig ng Senado ukol sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11, 2025.
Ito ang ikatlong pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations ukol sa naturang usapin.
Dumalo din at nakipagpalitan ng argumento sa pagdinig si Justice Sec. Boying Remulla.
Dumalo din sina Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac, Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo, habang sa panig ng Senado ay present sina Sen. Imee Marcos, Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Robin Padilla, samantalang via online naman si Sen. Christopher “Bong” Go.
Nasa Senado rin sina PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil at PBGen. Jean Fajardo upang magbigay-linaw sa isyu.
Kinuwestiyon nina Sen. Marcos at Sen. Dela Rosa kung bakit isinuko si dating pangulong Duterte at agad na inilipad sa The Hague, Netherlands, sa halip na sumunod sa extradition process.
Ipinaliwanag ni Sec. Remulla na hindi maaaring tayo ang mag-request ng extradition dahil nasa kustodiya natin noon ang dating pangulo, at ang arresting state ang dapat mag-file nito.
Giit ng kalihim, ang ginawa ng gobyerno ay pagsuko o pag-surrender, at hindi extradition, dahil hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas.
Tanong naman ni Sen. Go kung maibabalik pa si dating pangulong Duterte sa bansa, at binatikos niya ang pagmamadali sa pagpapatupad ng pag-aresto sa loob lamang ng 14 oras.