-- Advertisements --

Prioridad ngayon ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Brig. Gen. Nicolas Torre III ang pagtugis sa mga pinaghahanap ng batas.

Ilan sa mga tinukoy nito ay ang paghahanap kay dating presidential spokesperson Harry Roque na may arrest order mula sa House of Representatives dahil sa hindi ito nakikipagtulungan sa imbestigasyon ng mga mambabatas sa POGO.

Kabilang din na kaniyang tutugisin ay si dating Bureau of Correction chief Gerald Bantag na nahaharap sa kasong pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

Bagamat hinihintay pa nito ang mga kautusan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa pag-aresto kay Roque ay tiniyak ni Torre ang kahandaan sa pagtugis sa dating opisyal ng gobyerno at sa mga pinaghahanap ng batas.

Una ng sinabi ni Torre na handa nitong hanapin ang mga may sala sa batas kahit na magtago pa ang mga ito sa ilalim ng lupa gaya ng ginawang paghahanap kay Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy.