May mga hakbang ng ginagawa ngayon ang Philippine National Police (PNP) para maaresto ang mga lider ng komunistang grupo na pinapa aresto muli ng korte.
Ayon kay PNP Spokesperson CSupt. Dionardo Carlos na tukoy na nila ang kinaroroonan ng mga nasabing lider partikular ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon.
Sinabi ni Carlos na ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang inatasang mag aresto sa mga lider ng komunistang grupo.
Tumanggi namang sabihin ni Carlos kung saan naroon ang mga komunistang grupo dahil sa patuloy na operasyon ng mga otoridad.
Sakali aniyang muli nilang maaresto ang mga lider komunistang ay ihaharap ang mga ito sa Manila RTC para sa pagbabalik ng warrant of arrest.
Inihayag naman ng opisyal na nakadepende sa utos ng korte kung saan ang mga ito ikukulong.
Magugunitang bago pa man pinakawalan ang mag-asawang Tiamzon para makiisa sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP NPA NDF sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame nakakulong ang mga ito.
Ang mag-asawang Tiamzon ay nahaharap sa kasong 15 counts of murder bawat isa sa kanila.
Sa kabilang dako, maging ang militar ay tukoy na rin ang kinaroroonan ng mag-asawang Tiamzon.
Kinumpirma ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.