Iimbestigahan ng PNP-CIDG ang mga naging alegasyon ng naarestong scammer na nagpanggap ng Congressman na nangotong ng pera kay Sen. Bong Go.
Ayon kay PNP Chief PGen. Oscar Albayalde na kanilang aalamin ang koneksiyon nito kay Peter Joemel Advincula alias Bikoy.
Inamin kasi ng suspek na si Dennis Jose Borbon nagpanggap na mambabatas na kilala niya si Bikoy.
Ayon naman sa legal counsel ni Advincula na si Atty. Larry Gadon na hindi kilala ni Bikoy si Borbon.
“Peter Advincula alias Bikoy denies that he and Dennis Borbon know each other. Peter says he has never met Borbon and that he has never saw Borbon in person,” mensahe na ipinadala ni Atty. Gadon.
Hinamon ni Sen. Go si dating Senator Bam Aquino para ipaliwanag kung bakit nag-deposito ang kanyang chief of staff sa bank account ni Borbon na umaming binayaran sila para siraan ang administrasyon noong nakaraang eleksyon.
Mariin naman pinabulaanan ni Aquino ang nasabing akusasyon.
Si Borbon ay inaresto dahil sa pagpapanggap na siya si Congressman Arnie Fuentebella na nanghihingi ng pera sa mga kongresista at maging sa ilang senador para sa kanyang raket.
Kinumpirma ni Go na magaling magpanggap si Borbon dahil nag-sorry pa ito sa kanya at nangakong babawi sa mga susunod na panahon dahil natalo siya sa Bicol.
Inihayag din ni Go na noong nanghingi sa kanya ng P25,000 si Borbon ay inabisuhan niya ang kanyang staff na maghulog ng “piso” sa account na sinasabi nito dahil nagsimula na siyang magduda.
Una nang kinumpirma ni Fuentebella na sasampahan niya ito ng kaso ng identity theft dahil sa pagpapanggap na siya ito.
Ibinunyag din ni Go na maliban sa kanya, kinontak din ng suspect sina Senator Imee Marcos at Francis Tolentino gayundin ang isa pang senador na hindi na niya pinangalanan.